Mga kataga

Pabalik-balik ang imahe. Minsan buo, minsan pira-piraso. Lumilinaw sa bawat pikit. Lumalalim sa pagtagal. Hindi ko ililihim.. gusto kita. Gustong gusto kita.
Matagal kang ipinagbawal, ngunit inibig ka pa rin ng husto. Ngayong nasa wastong edad na ko, hanggang kailan na lang kaya ang paghihintay? Bukas kaya? O sa susunod na buwan? Mahahagkan pa kaya kita? Masaktan man ako, paulit-ulit man ang paghihirap, kakayanin ko.. para sa’yo. Ngunit hanggang ngayo’y ‘di pa sigurado. Walang kasiguraduhan ang pag-ibig kong ito. Araw-araw iniisip kung tayo nga ba’y magiging isa. Ang pag-ibig ko ba’y sapat sa walang hanggan mong pangako? O umiibig lang ako sa pangarap na pangarap pa rin hanggang dulo? Lahat na’y tinanong, humingi sa lahat ng tulong.. pwede naman pala, sa iisang dahilan lang ako natalo. Kung maging akin ka man, hindi ba ako magsasawa at ika’y talikuran? Posibleng ika’y iwan. Posibleng ako’y iwanan. Sino ba naman kasi ang tatagal sa akin? Wala. Wala akong maisip.

Iniisip kita mapasa-hanggang ngayon. Kung paano ko pagmamasdan ang ‘yong gandang abot kamay na.. Kung papaano ko dahan-dahang ililihis ang nagpapakubli sa’yong kalooban. Iniibig kita.. ngunit kailan tayo magkikita? Kailan ba kita makakasama? Ang simoy ng hangin ba’y magbabago sa nalalapit nating pagsasama? Ang tubig ba’y tatamis at lalamig ang pawis ng kalamnan ‘kong hanap-hanap ka? Magbabaga pa kaya ang damdamin ko sa pagdating mo, sinta? O hanggang isip na lang ang lahat.. imahenasyon na lang ba ang gagana?

Advertisements