Hindi mo ba alam? Hindi mo ba napapansin?
Higit pa sa isang dangkal ang layo mo sa akin. Pinipilit ko, noon pa, na makasama ka o makilala.. pero pinalalayo mo ako ng palihim. Hindi ko iniisip ang makasama ka para mapunan ang pansariling kaligayahan.. Hanggang sa pagtulog, kaluluwa ko’y nagsusumigaw, ikaw nga ang kulang.

Pareho ngang lumulutang ang buhay sa himpapawid, ngunit magka-iba pa rin kung iisipin, mundo mo nga’y patiwarik. Nais kong makasama ka, madurog man ang puso, matustusan lang ang ligaya. Pero kung iisipin mo, hindi ako ang makapagbibigay ng saya. Isa lamang ako sa mga hanggang tanaw sa silid, hinding hindi papasok, nakakulong sa labasan. Ilang taon ka ng pinagmamasdan, mas lumalalim, hindi ko na mapigilan. Isang araw nga’y sinubukang umiwas, tingin ko’y nasa kawalan, tinawag naman ang aking pangalan.

Isa pangyayaring biglaan, nagpabago sa atin, wala ng balikan. Sa sobrang lapit na natin, palayo ng palayo ang isipan. Pinilit kong unawain, lahat lahat ng gawain.. Huminto na nga ang utak, puso’y tumitibok pa rin. Sa mga oras na isang urong, ako’y di mapakali. Kung iisipin mo lang ako, wala na sa’tin ang sawi. Sa mga bagay ng kasalukuyan, namamahay pa rin sa nakaraan.. Papayag ka bang iwan s’ya, at ituring na kasaysayan? Sa mga luha at salita, ni hindi ka lumapit. Ikaw ba’y nalito? Naaawa ka ba sa’kin? Naisip mo ba na hindi mo kakayanin?

Sa mga oras na kapiling, kinausap mo ba ako? Buti pa ang sa kalangitan, kahit wala, katukayo. Putulin man ang mga pisi, gagawa ng paraan. Bakit di mo lingunin, palagi kang pinagdarasal..

Ano nga ba ang dapat kong gawin? Iwasan ka, ibaling sa iba, o sumama sa kanila? Kung ang larawan ay kakalat, mga awiti’y lilipad, ang pag-ibig ko sa’yo ay hindi kukupas. Sayang nga lang, mawawalan tayo ng bukas..

Advertisements