Sana napapansin mo na ako. Alam kong biglaan pero damang dama ko.

Hindi naman ako ganito noon. Hindi naman kita pinapansin kahit na sikat na sikat ka sa school natin. Hindi kita tinitignan. Hindi kita pinagmamasdan. Nangyari lang lahat noon nakaraang semestre. Hindi ko alam kung papaano. Pero may lumason sa utak ko. Gusto kita. Gustong gusto. Ngunit nakakulong ako sa mga bisig ng lalaking akala ko’y minahal ako noon. Hindi ko naman gustong magkagusto ka din sa akin noon, pero ngayon, medyo medyo na.

Sa tuwing dadaan ka, mapaharap man o likod, o maski sa gilid ng mga mata, pinakikiramdaman kita. Hindi ko alam kung bakit ganito. Hindi ko alam kung papaano ba naging ganito. Dahil ba sa lumalason sa utak ko? Dahil ba na sabi nila na gusto kita? Kaya ba ngayo’y ika’y gusto? Sa tuwing makikita kita sa malayo, gusto kong lumapit. Pero pag nandyan ka na, sana’y nasa langit. Pilit kong nilabanan ang nararamdaman.. ngunit sa tuwing susubukan ko’y bigla kang masisilayan.

Hindi ko maiwasang kiligin. Hindi ko maiwasang sumaya. Pag andyan ka na, solb solb na. Sa mga araw na hindi ka nakikita, nanlulumo ako. Sa mga araw na wala ka ay sana’y di na pumasok. Pinagbubuti ko ang pag-aaral, pati ang pagsulat ng kanta. Lahat ay alay sa’yo. Sa’yo lamang, sinta.  Sa una mong pagpansin, halos ikamatay ko na. Puso ko’y tumalon, huminto pansamantala. Hindi ko alam kung bakit. Hindi ko naman sinasadya. Umiibig na ata ako, sana’y huwag muna.

Hindi naman ako nagkakagusto sa mga kaeskwela ko, pero sa’yo, mukhang tinamaan na ako. Ayoko namang umasa, hindi na ko aasa.. Baka ma-friendzoned mo ako, di ko masisikmura. Kaya hanggang dito na lang, paalam. Sana sa susunod ay makausap na..

Advertisements