Ngayong gabi, nagpaalam ako sa mga alaalang naitago ng matagal sa aking telepono. Noong nakaraang taon pa ang mga alaalang ‘yun. Malapit na ngang magiging isang libo ang mensaheng inilagaan simula noon. Hindi ko na binasa ulit. Hindi na ako nagdalawang isip pa. Hindi na ako nagpaalam ng matagal, binitawan ko na lang. Alam kong hindi lahat ‘yun ay masasaya. Hindi naman kasi makatotohanan kung lahat ng alaala ay masaya..hindi ba? Hinayaan ko na lang maging nakaraan ang mga alaalang ‘yun at tuluyan ng mabaon sa limot.

Hindi ibig sabihin na hindi ko na s’ya mahal. Hindi din sa hindi na s’ya importante. Nais ko lang bumuo ulit ng mga alaalang hindi kayang mabura sa telepono. O kayang mabura ng mga taong nagmamay-ari ng mga social networking at kung anu-ano pang mga websites.. Ayoko na din sa mga sulat kamay na pag naitapon o nabasa ay wala ng saysay. Gusto ko ‘yung kahit nakapikit ay maaalala ko. Kahit hindi ko makita o mabasa ay maisasapuso. Ayoko sa mga materyal na bagay. Madali kasing mawala at mabasura. Mas tatanggapin ko pa ang maiinit na yakap at walang kapagurang pag hawak n’ya sa aking mga kamay. Ang mga salitang nagbibigay sa akin ng pangmatagalang ligaya. Ang mga titig n’yang hindi ko makayang tagalan.. Ang mga bagay na ‘yun ang kailangan ko.. Hindi ang mga mensahe n’ya na naitago sa telepono..

Hindi pa din ako nawawalan ng pag-asa. Kahit ayoko, alam kong ikamamatay ko kapag wala s’ya.. S’ya lang ang kayang pagtibukan ng puso ko. Mawala man ang mahahalagang bagay na mga ‘yun na inalagaan noon, sulit pa din kung kami na sa mga susunod na taon. Kahit anong sabihin ng isipan ko sa akin, pilit pa ding gagawa ang puso ng paraan, kahit ano, masunod lang ang gusto.. Alam kong di papatalo ang puso. Kaya hindi pwedeng kalimutan ang isip sa mga sitwasyong ganito

Naisip ko na lahat ng posibleng maging hinaharap namin, magkasama man o hindi. Lahat ng posibleng mangyari pagkinasal ako sa kanya o kaya pag sa ibang lalaki. Hindi ko man matanggap ang sitwasyon na naiisip ko ngayon, kaya ko na sigurong tanggapin pag nagkataon. Di na ako mapakali at bawat araw ay nangangarap. Sa paggising sa umaga ng s’ya ay kayakap. Ang pagpasok sa trabaho pagkatapos ng mahigpit na yakap. Ang paghawak sa kamay kasama ng mga anak. At ang walang humpay na palitan ng matatamis na salita. Hindi na ako makapaghintay sa aming hinaharap, alam kong malabo man, patuloy pa ding mangangarap.

Sa mga alaalang binitawan ko ngayon, nagpapaalam ako ng buong puso. Nagpapasalamat at natutunang maghintay, umasa, at mapaisip ng husto.

At sa minamahal ko, alam kong may pag-asa pa tayo. :)

Advertisements