‘Wag mo akong iwan..

Batid kong hindi na n’ya makayanan ang sakit na umaatake sa bawat paghinga.  Sinubukan n’yang hawakan ang aking mga kamay.. ngunit hindi ako pumayag. Gusto ko man, pero hindi dapat.

Tumayo s’ya ng mapansin n’yang palayo na ako. Niyakap ako mula sa likuran. Gusto kong humarap at gumanti ng yakap. Pero may kung anong pumipigil sa akin.

‘Wag mo akong iwan.. Pakiusap, huwag.

Gumigilid na ang mga luhang hindi ko alam kung saan nanggagaling.. Paharap na ako.. ng biglang nagliwanag ang paligid.

GISING NA ANAAAAAK!

Tangina. Akala ko magagawa ko na. Akala ko mayayakap ko na s’ya.. Sa sandaling ‘yun ng pagmamakaawa n’ya, ng paghihinagpis.. wala akong ginawa kundi magmatigas. Pinigilan ko ang aking naramdaman..

Oo, hindi ko maitatangging mahal ko pa din s’ya.. ngunit sa bawat pagpikit ko, sa kadilimang hatid ng paglubog ng araw, sa pagkalat ng mga tala sa kalangitan.. may bagay na inilalayo ako sa tunay kong nararamdaman. Naalala ko, pilit kong ikinubli ang mga luhang gumigilid. Pigil na pigil ang bawat kilos na naghihiwatig ng pagmamahal. Sa mga oras na iyon, pareho ang aking naramdaman, sa tuwing kasama ko sya.. sa tuwing nakakasama ko sya sa mga gabing hindi ko kontrolado.. Parehas na parehas..

Putangina. Sa katunayan nga, hindi na ako masaya. Minsan, oo, pero nagbabago pag kasama ko s’ya. Ewan ko ba.. May nagsasabing hindi n’ya ako tunay na mahal.. na pangalawa lang ako.. na hindi naman talaga ako ang nasa puso nya.. Punyeta.
Gusto ko na ngang lumimot. Ngunit sa bawat pagsubok, bumibigay pa din ang puso. Nasusunod at nasusunod pa din ito, kahit na gamitan pa ng utak.

Sa mga gabing nagtatagpo kami.. hindi ko maiwasang isipin sa pagsapit ng umaga kung s’ya nga ba talaga ang tinitibok ng pusong dati nga’y naging aligaga’t salawahan. Kung s’ya nga ba talaga ang dahilan ng pag ngiti ng mga labing kailanma’y di nilubayan ng lungkot at kasinungalingan.. Kung s’ya nga ba ang dahilan ng paggising sa umaga at sa muling pagpapatuloy ng buhay na akala ko’y wala ng saysay..

S’ya nga ang dahilan sa maraming pangyayari’t karanasan.. Pinigilan ko ba? Hindi ba ako umangal? Pero sa mga sandaling dumadampi ang kanyang mga labi sa akin.. Sa tuwing akmang hahawakan na nya ang aking mga kamay.. Sa pagbwelo nya ng akbay.. Sa mga yakap na kailanma’y di matuloy tuloy.. Sa mga paggaya nya sa pagmamasungit ko.. Sa paglapit nya ng kamay ko sa kanyang mukha.. Hindi ko maisip ang lisanin ang taong ito. Dahil alam ko sa sarili ko na kailanma’y di ko na malalaman kung gaano ako kasaya sa mga sandaling iyon kapag bumitaw ako.. At sa mga kakapirasong alaala na kami lang ang makakapagbalik.. Na sa kadiliman ay luha ang kapalit at sa walang hanggang panaginip, habang buhay s’yang maiisip..

Advertisements