Paki-play, please? Bago basahin.

———————————–

Paulit-ulit kong iniisip ang mga nangyari kagabi..

Paulit-ulit. Pabugso-bugso. Hindi ko mapigil. Buong araw na akong ganito. Tulala. Hindi makakain ng maayos. Pero masaya ako. Masaya na ako.. Malaya na.

Ilang taon ding naging kami ni Jerome. Masaya. Masayang masaya. Hindi ko nga akalain na aabot pa kami sa ganito. Hindi ko alam na magsasawa pala sya. Hindi ko kailanman naisip ‘yun..

First date namin. Hindi ko alam kung naalala pa nya.. pero ang saya ko nun. Dinala nya ako sa lugar na hindi ko pa napuntahan. Hindi ko alam kung saan ‘yun kasi nga naka-blind fold ako. Punong-puno ng kaba ang dibdib ko noong mga panahon na iyon. At ng unti-unti ko ng makita ang liwanag, andun sya.. Nakatayo. Hawak nya ang isang bungkos ng bulaklak sa kaliwang kamay, at isang kahon sa kanan. Punong puno ng ilaw ang buong paligid. Maliliit na bumbilya, na sa sobrang dami ay para akong nasa isang panaginip.

“Rhea, alam kong hindi ko kaya higitan si Topher.. pero sana hayaan mo akong..”

Bago pa man nya matapos ang nais nyang sabihin, niyakap ko sya. Niyakap ng mahigpit. Sobrang higpit. Kasabay ng mga luha kong nagsasabing tapos na.. Tapos na ang sakit. Mabubura na ang mga alaala ng lungkot at ang mga pagluha sa gabing namamahay sa aking isipan ang paulit-ulit na pangyayari sa araw na iniwan ako ni Topher..

“Mahal na mahal kita, Rhea..”

Ramdam ko ang init ng pagbulong nya sa aking tenga.. Tama nga sigurong bumigay na ako sa nararamdaman ko. Hindi ko na dapat ipagkait ang pag-ibig..

Hindi ako nagdalawang isip na sagutin sya ng inaasam nyang “Oo”..

Hindi nya ako pinabayaan. Hindi nya ako iniwan.. Kahit minsan hindi ko naramdaman na hindi nya ako mahal. Mahal na mahal ko sya. Araw-araw akong nagpapasalamat na dumating sya sa buhay ko.. hindi ako naghangad ng iba pa. Si Jerome lang.. sya lang.

Nakipagkita si Jerome sa playground ng village namin. Gabi ‘yun. Walang mga bituin sa langit. Malakas ang hangin. Senyales na uulan. Sinabi ko na huwag na muna at baka maabutan sya ng ulan. Pero gusto nya akong makausap. Mukhang importante ang kanyang mga sasabihin.

Nagpaalam ako sa amin at madaling nagpunta kung nasaan ang aking minamahal..

“Oh, bakit ngayon ka lang nagsabi? Dapat kanina pang hapon. Miss mo na ako ano?”

Kinulit ko sya. Palambing na mga tanong at mga salita ang ibinato ko sa kanya.. pero hindi ko mabago ang ekspresyong naka-plaster sa mukha nya. Malungkot. Halos wala akong makitang saya sa mukha nya.

“Bakit babe? May problema ba tayo?”

“Rhea.. ano kasi..”

“Hmmm.. tungkol ba ‘to sa away nyo ni Mommy kanina? Sabi ko naman kasi sayo na magpapaalam ka sa kanya para hindi kayo nag-aaway e..”

“Hindi ‘to tungkol kay Mommy..”

“Hmm.. kanino pala?”

“Sa… sa atin. Pagod na ako, Rhea..”

“…bakit? Paanong pagod ka na?..”

“Hindi ko na alam kung ano.. kung ano bang dapat.. magulo na para sa akin..”

Wala na akong nasabi. Hindi na ako kumibo. Hindi na nakakibo pa. Sasabog na ang puso ko anumang oras..

Hinawakan nya ang mga kamay ko. Mahigpit.. Mahigpit na mahigpit..

“Rhea.. ayokong saktan ka.. pero kailangan kong gawin ‘to…”

Dahan dahan ang pagbagsak ng luha ko mula sa aking mga mata. Kagat ko ang aking labi. Pinipigilan ang malakas na hikbi na alam kong hindi ko kayang pigilin, pero kailangan.

“Patawad.. pero hindi na kita mahal. Hindi na kita kayang mahalin tulad ng dati.. patawad… patawad..”

Kumawala ang mga kamay ko mahigpit nyang pagkakahawak. Tumingin ako sa kanyang mga mata. Wala na ang kinang na dati’y nandoon noong nagsisimula pa lang kami.. Wala na. Blangko na. Parang ang langit na ngayo’y malapit ng sumabay sa aking pagluha.

“Paalam, Rhea.. patawad…”

Hindi na ako tumingin ulit. Patakbo akong lumayo kung nasaan sya nakatayo.. Patakbo. Matulin. Sumabay na din ang langit sa aking pag-iyak. Sa wakas. Dinamayan din ako. Para bang wala ng katapusan. Na parang huli na. Hindi na ako uulit.. Hindi na. Pangako, huli na. Huli na ‘to..

Parang kagabi lang kasama ko sya. Sa playground ng village namin. Sa ilalim ng langit na walang bituin. Sa kung saan malakas ang hangin. Umalingawngaw ang paalam nya na para bang isinisigaw sa aking tenga. Na dumurog sa aking puso. Na nagpagulo sa aking isipan.. Sa kung saan ko sya iniwan.. ng ako’y kanyang iniwan. Sa kung saan sya nagpaalam.. kasabay ng paglipad ng aking mga pangarap na kasama sya.. at ng paglaho ko sa puso nya.

Paulit-ulit kong iniisip ang mga nangyari kagabi.

Masakit. Masakit pa rin.. pero malaya na ako. Malaya na ako. Wala ng pwedeng manakit sa akin.. Wala na. Huli na ‘to. Pangako.. hindi na ako uulit.

Advertisements